Mas maikli umano ang running time ng mga locally-developed test kits para sa COVID-19.
Ayon kay Food and Drug Administration (FDA) Director General Eric Domingo, kaya ng mga test kits na dinevelop ng mga scientist mula sa University of the Philippines (UP),na maglabas ng resulta sa loob lamang ng dalawang oras. Lubhang mabilis ito kaysa sa 24 oras na running time ng mga testing tool na nagmumula sa Japan at kasalukuyan ding ginagamit na pang-diagnosed sa COVID-19 sa bansa.
Magugunitang kahapon lamang ay inaprubahan na ng FDA ang paggamit ng mga locally-developed test kits na gagamitin na pang-detect sa mga kumpirmadong kaso ng COVID-19.
Ayon pa kay Domingo, mas mura ang mga ito at nagkakahalaga lamang ng P1,500, kumpara sa mga imported kits na nagkakahalaga ng P20,000 hanggang P30,000.
Samantala, nagbabala naman si Domingo sa publiko laban sa pagbili ng mga hindi otorisadong test kits.
Paalala nito, tanging ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM) lang at ang UP ang mayroong mga otorisadong testing centers para sa COVID-19 sa bansa.