Inaaasahang maaprubahan ngayong linggo ang locally made coronavirus disease 2019 (COVID-19) test kits.
Ito ayon kay DOST Secretary Fortunato Dela Peña ay kapag natapos na ang ongoing field validation para sa locally made COVID-19 testing kits sa April 1.
Ang mga scientists mula sa University of the Philippines National Institute of Health (UP-NIH) at Philippine Genome Center katuwang ang DOST ang gumawa ng SARS-COV 2 PCR detection kit, ang kauna-unahang locally made COVID-19 test kits.
Una nang nakakuha ng certificate of exemption mula sa Food and Drugs Administration (FDA) para maisagawa ang field testing para rito.
Sinabi pa ni Dela Peña na inaasahang darating sa April 3 ang certificate of product registration.
Nasa kabuuang 120,000 test kits ang na-order na para sa manufacturing subalit na sa 26,000 test kits pa lamang ang inisyal na pinondohan ng DOST at UP-NIH projection na gagamitin mula April 4 hanggang 25.
Ang mga nasabing locally made test kits ay ipapamahagi sa Philippine General Hospital, Makati Medical Center, The Medical City, Vicente Sotto Memorial Medical Center, Southern Philippine Medical Center at Baguio General Hospital.
Ang nalalabing 94,000 test kits ay ibebenta commercially ng Manila Health Tek sa halagang P1,300 kada kit na higit na mas mura kumpara sa P8,000 kada test kit na ginagamit ngayon sa mga ospital.