Iginiit ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) na hindi solusyon ang lockdown sa tumataas na kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ayon kay ECOP President Sergio Ortiz-Luis Jr., kinakailangang mabuksan muli ang ekonomiya upang mapigilan ang pagbulusok ng ekonomiya at pagdami pa ng mga walang trabaho.
Inihayag pa ni Ortiz-Luis na mahalaga rin ang pagbabakuna kontra COVID-19 at pagsunod sa health protocols.
Aniya, dapat isipin na mas mahalaga ang ekonomiya at dapat matuto rin ang publiko na mabuhay kasama ang COVID-19.
Base na rin sa pagtaya ng pamahalaan, sinabi ni Ortiz-Luis na aabot sa P150-B kada linggo ang nawawala sa ekonomiya ng bansa kada linggo, o katumbas ng P300-B sa dalawang linggong ECQ.
Sinabi pa ni Ortiz-Luis na ang nawawalang kita na ito sa ekonomiya ng bansa sa kasagsagan ng ECQ ay magreresulta sa unemployment ng maraming tao. —sa panulat ni Hya Ludivico