Natapos na ang ipinatupad na lockdown sa Barangay Molino 3 sa Bacoor City, Cavite, epektibo alas-12:01 kaninang hating gabi.
Sa Facebook post ng Bacoor City local government unit (LGU), sinabi nito na kanilang napagpasiyahan kasama ang mga opisyal ng Barangay Molino 3 na huwag nang palawigin pang muli ang lockdown doon.
Sa kabila nito, nilinaw naman ng Bacoor City LGU na mananatili ang pagpapatupad ng mga patakaran sa ilalim ng calibrated enhanced community quarantine na siyang umiiral sa buong lalawigan ng Cavite.
Batay naman sa pinakahuling tala ng Bacoor City Health Office, mayroon nang 18 kumpirmadong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Molina 3.
Lima anila rito ang nakarekober na sa sakit, pito sa mga aktibong kaso ang naka-admit sa ospital sa Metro Manila, lima naman ang nasa ospital sa Cavite habang isa ang naka-home quarantine at naghihintay na lamang ng kanyang recovered status.
Binigyang diin ng Bacoor City LGU, naging matagumpay ang ipinatupad nilang lockdown dahil naiwasan ang disease clustering at local transmission sa Barangay Molino 3.