Palalawigin pa ang ipinatutupad na lockdown sa H. Monroy Street sa Barangay Navotas West sa lungsod ng Navotas.
Ayon sa alkalde ng lungsod na si Mayor Toby Tiangco, iiral ang pinalawig na lockdown hanggang 11:59 ng gabi ng Hunyo 20.
Ani Tiangco, ang naturang desisyon ay ibinatay sa report ng city health office nito.
Sa 96 na katao kasing isinailalim sa rapid test para sa COVID-19, lumabas na 49 sa mga ito o 51% ang naging reactive o positibo sa virus.
Kasunod nito, kailangang makuhanan ng swab test at sumailalim sa PCR testing ang mga ito para makumpirma kung sila nga ba’y dinapuan ng nakamamatay na virus.
Paalala naman ni Tiangco, sa mga nagpositibo sa rapid test, dapat na mag-isolate ang mga ito sa kani-kanilang mga pamilya. Kung wala namang isolation room o hiwalay na kwarto sa kanilang bahay, maaaring makipag-ugnayan sa kanilang barangay para ma-i-admit sa Community Isolation Facility (CIF).
Sa huli, humingi naman ng koordinasyon at suporta si Navotas City Mayor Tiangco sa mga residente nito para matagumpay na malabanan ang nakamamatay na virus.