Maghihigpit na ang Sulu Provincial Government para sa mga papasok sa kanilang lalawigan epektibo bukas, Lunes, Enero 4.
Kasunod ito ng ipinatupad na lockdown na naglalayong mapag-ingat ang kanilang mamamayan mula sa banta ng bagong variant ng COVID 19 na namataan sa bansang Malaysia na kalapit bansa lamang ng pilipinas.
Sa panayam ng DWIZ kay Sulu Gov. Abdusakur Tan, tanging ang mga sundalo at pulis lamang na nakatalaga roon na lumabas nitong Kapaskuhan ang papayagan nilang muling makapasok.
Dapat magpa-swab sila kasi marami pang kasundaluhan ang nagbakasyon, mga kapulisan, dapat magsa-swab sila at ang swab nila ay hanggang 5 days lang hindi pwedeng beyond 5 days kasi natatakot tayo sa Sabah, kasi ini-announce na ‘yan ng Director general ng Ministry of Health ng Malaysia na nagkaroon na ng corona strain dyan sa Sabah kaya ang taga-Sulu, Tawi-Tawi halos isang milyon ang nasa Sabah,” ani Tan.
Paliwanag ng gobernador, kulang ang kanilang pasilidad at mga ospital upang matugunan ang posibleng dagsa ng mga tatamaan ng nasabing virus kaya’t ginawa nila ang gayung pag-iingat.
Yung sa Maynila nag-iingat, nandyan na lahat ng hospital, mga doktor, dito sa amin ang hospital namin ay mahina lang, wala pa kaming gamit so, ‘yan yung iniingatan namin, kailangan namin ay talagang preventive,” ani Tan.