Nangako si Foreign Affairs Sec. Teodoro “Teddy Boy” Locsin Jr. na gagawa ng paraan upang makakuha ang Pilipinas ng bakuna laban sa COVID-19 mula sa kumpaniyang Pfizer Biontech ng Amerika.
Ito’y makaraang maunsyami ang nakatakda na sanang pagbili ng bakuna mula sa nabanggit na kumpaniya subalit may ilang opisyal umano ang nagpabaya at hindi ito inaksyunan.
Ayon kay Locsin, nagkausap silang muli ni US Secretary of State Michael Pompeo upang muling hingin ang tulong nito na makakuha ang Pilipinas ng 10 milyong doses ng bakuna mula sa Pfizer.
Sinabi rin ni Locsin na nakikipag-usap na rin si Philippine Ambassador to Washington Jose Manuel Romualdez upang makakuha ng bakuna mula sa Moderna.
Kasunod nito, nagbanta si Locsin sa lahat ng mga opisyal ng pamahalaan na babalikan nito ang lahat ng mga opisyal ng pamahalaan na nagpapabaya sa kanilang tungkulin at nagpapahirap sa buhay ng mga Pilipino sa gitna ng pandemya.