Sasailalim sa quarantine si Foreign Affairs Secretary Teddy Locsin Jr. matapos magpositibo sa COVID-19 ang ilan sa kanyang mga staff members.
Ayon kay Locsin, kinakailangan niyang mag-quarantine kahit pa negatibo siya sa coronavirus dahil kanyang nakasalamuha at nakasama sa pulong ang mga opisyal ng kagawaran na nagpositibo.
Kasabay nito, sinabi ni Locsin na ilang araw isasara ang punong tanggapan ng DFA sa Roxas Boulevard para isailalim sa lockdown hanggang sa makapagpatest silang muli.
Batay naman sa abiso ng DFA, pansamantalang isasara ang kanilang punong tanggapan simula bukas, Enero 29, hanggang Martes, Pebrero 2 bilang bahagi ng pag-aassess ng kagawaran sa umiiral nilang public health at safety measures.
Samantala, magpapatuloy naman ang consular services ng DFA tulad ng pagpoproses ng pasaporte sa kanilang tanggapan sa Aseana, Macapagal Avenue.