Hinikayat ng Cordillera Disaster Risk Reduction Management Council o CDRRMC ang mga lokal na pamahalaan na gumawa ng mga hakbang upang maprotektahan ang publiko bunsod ng tumataas na bilang ng dengue cases sa rehiyon.
Dahil dito, ayon kay CDRRMC chairman at Office of Civil Defense regional director Albert Mogol, mahalagang mas paigtingin pa ang dengue prevention and control measures sa CAR.
Batay sa inilabas na Dengue Disease Surveillance report ng Department of Health Cordillera Administrative Region o DOH-CAR, pumalo na sa 4,487 ang suspected dengue cases na naitala sa rehiyon mula Enero hanggang ngayong buwan ng Hulyo, taong kasalukuyan.
Pangungunahan naman ng mga punong barangay o chairman ang pagsasagawa ng dengue response activities gaya na lamang ng “4S strategy” na ang ibig sabihin ay ‘search and destroy breeding sites’; ‘seek early consultation’; ‘self-protection’; at ‘say yes to fogging’ sa mga hotspot areas.
Inatasan din ang mga alkalde sa CAR na pangunahan ang pagmo-monitor sa dengue response activities sa pakikipagtulungan ng Local Government Operation Officer, City o municipal Health Officer, at City o Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer o DRRMO.
Binanggit din sa resolusyon ng CDRRMC na dapat bumili ang mga local DRRM Officers ng mga emergency drugs at diagnostic test kits habang ikinakasa ang iba pang mga hakbang kontra dengue.
Samantala, ipinag-utos naman ng Baguio City government ang pagsasagawa ng cleanup drive tuwing Huwebes bilang bahagi ng “Denguerra” campaign para hikayatin ang mga residente na tumulong sa pagsira sa mga bagay na maaaring pinamumugaran ng lamok.
previous post