Inatasan na ng Philippine National Police o PNP ang lahat ng himpilan ng Pulisya sa Sulu at mga karatig lalawigan nito na higpitan ang latag ng seguridad.
Ito’y para matapatan ang mga posibleng pag-atake ng bandidong Abu Sayyaf matapos maaresto nitong Sabado ang asawa ng kanilang Sub-leader at bomb maker Mundi Sawadjaan na si Fatima sa Sitio Badjao Annex, Barangay Bus-Bus.
Una rito, nabatid na si Mundi Sawadjaan talaga ang target sana ng pinagsanib na puwersa ng Militar at Pulisya para pagsilbihan ng arrest warrant subalit nakatakas siya gayundin ang iba pa niyang kasapakat.
Ayon kay Eleazar, malaking development ito lalo’t tiwala siyang ang pagkakaaresto kay Fatima ay magbibigay daan para masukol na rin si Sawadjaan at mga kasama nito kaya hindi sila titigil sa pagtugis.
Si Sawadjaan ang itinuturong utak sa serye ng mga pag-atake sa Sulu at iba pang lugar sa Mindanao gayundin ay pinangunahan nito ang kambal na pagsabog sa Jolo noong isang taon.—ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)