Paano mo sine-celebrate ang birthday mo?
Ang isang lolang ito mula sa Suffolk, England, ipinagdiwang ang kanyang 102nd birthday sa kakaibang paraan—sa pamamagitan ng skydiving!
Bilang isang dating World War II cadet sa Women’s Royal Naval Service, hindi na bago kay Manette Baillie ang panganib.
Sa katunayan, noong 100th birthday niya, sumali siya sa isang race sa British Grand Prix, sakay ng isang Ferrari na may bilis na 130 miles per hour!
Napagdesisyunan ni Baillie na mag-skydiving matapos malaman na ginawa ito ng 85-year-old na tatay ng kanyang kaibigan. Naisip niya, kung kinaya iyon ng lalaki, kakayanin rin niya ito.
Kaya sa kanyang 102nd birthday, nagtipon ang kanyang pamilya at mga kaibigan sa Beccles Airfield upang panoorin ang lola, kasama ang ilang skydivers, na tumalon mula sa eroplano sa taas na 7,000 feet.
Ginawa ring pagkakataon ni Baillie ang kanyang kakaibang birthday celebration upang makakalap ng pondo para sa ilang charities. Naging matagumpay naman ito dahil nakalikom na siya ng mahigit $13,000 o P730,000, nasungkit niya pa ang British record na oldest skydiver in history!
Nang tanungin kung ano ang sikreto sa pagkakaroon ng mahabang buhay, ang sagot lamang ni Baillie: laughter at adventure.