Hawak nang pulisya ang lolong namaril ng kapitbahay na nagmamay-ari ng motorsiklong may maingay na tambutso sa Las Piñas City.
Kinilala ang suspek na si Ernesto Francisco, 71 taong gulang na sumuko sa Las Piñas City Police Office matapos matunton ng kanilang tracker team sa kaniyang pinagtataguang bahay sa Tagaytay City.
Una rito, nagkaroon muna ng mainitang pagtatalo sa pagitan nila Francisco at ng mga biktimang sina Dominic Duclayan na may-ari ng motorsiklo at Ricky Dimatulac.
Ayon kay las Piñas City Police Chief Col. Rodel Pastor, inirereklamo ni Francisco ang maingay na tambutso ng motorsiklo ng biktima na araw-araw namemerhuwisyo umano sa kanilang komunidad.
Gayunman, sinikap pang mamagitan ni Dimatulac sa naging pagtatalo nila Francisco at Duclayan subalit bumunot na ng baril ang suspek at saka sila pinaputukan.
Hindi na umabot sa ospital si Dimatulac habang sugatan naman si Duclayan at kasalukuyang ginagamot habang nagsisisi naman si Francisco na nahaharap sa mga kasong murder at frustrated murder.