Pinangangambahan ng liderato ng Department of Trade and Industry (DTI) na posibleng mauwi sa pagkagutom ang mas maraming Pilipino kung magpapatuloy pa ang pag-iral ng general community quarantine (GCQ) sa Metro Manila.
Ito ang inihayag ni Trade and Industry Secretary Ramon Lopez makaraang sabihin ni Presidential Spokesperson, Secretary Harry Roque na posible nang isailalim ng punong ehekutibo ang NCR sa modified general community quarantine (MGCQ) pagsapit ng Marso.
We can imagine, each day na walang pagkain iyong iba nating kababayan, each day na nagugutom na nagugutom sila, na-mamalnourish sila, ano ‘yung gagawin natin sa kanila? Sasabihin nila sa atin, hindi na namin maaantay ng one week o tatlong buwan, ani Lopez”
Paliwanag ni Lopez, kung paluluwagan ang quarantine restrictions, tiyak anito na makatutulong ito sa mas nakararaming pamilyang Pilipino.
Kabilang na ani Lopez dito ang nasa 1.6-milyong Pilipino na makababalik na sa trabaho na matapos huminto ang mga ito dahil sa epekto ng pandemya.
Kaugnay nito, dinipensahan naman ni Lopez ang usapin ng pagpayag sa muling pagbubukas ng mga sinehan sa bansa.
Giit ni Lopez, hindi maaaring sabihin na sa muling pagbubukas ng mga sinehan sa bansa ay magreresulta ito sa pagsipa sa kaso ng COVID-19.
Ito’y dahil makasisiguro ani Lopez ang publiko na mahigpit na ipatutupad ang mga pag-iingat o health protocols laban sa banta ng virus.