Inatasan ni Executive Secretary Salvador Medialdea si Defense Secretary Delfin Lorenzana na pangunahan ang ginagawang relief efforts sa Mindanao.
Ito’y makaraang tamaan ng sunud-sunod na lindol ang ilang bahagi ng rehiyon nitong nakalipas na linggo na nagdulot ng matinding pinsala sa imprastraktura at mga kabuhayan doon.
Si Medialdea ang pansamantalang tagapangalaga ng bansa habang nasa Thailand si Pangulong Rodrigo Duterte para dumalo sa ASEAN and Related Summit.
Bilang martial law administrator, sinabi ni Medialdea na si Lorenzana rin ang siyang titiyak na nasusunod ang mga plano para sa mga kababayang sinalanta ng kalamidad.
Dahil dito, pinapayuhan ang publiko na direkta nang makipag-ugnayan sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) para tiyaking maayos na naipamamahagi ang lahat ng tulong sa mga apektado ng lindol.