Inamin ni Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana na hindi siya kinunsulta kaugnay sa ginawang pagbawi sa amnesty ni Senador Antonio Trillanes IV.
Ipinabatid ni Lorenzana na personal siyang tinawagan ni Solicitor General (SolGen) Jose Calida nuong Agosto 16 para hingin ang ilang dokumento kaugnay sa amnesty application ni Trillanes at mga kasamahan nito na hindi nito tinukoy kung sinu-sino.
Hindi naman binanggit ni Lorenzana kung anong mga dokumento ang ibinigay niya kay Calida.
Una nang inihayag ng DND at Armed Forces of the Philippines (AFP) na nawawala ang dokumento o ang amnesty application ni Trillanes na naging basehan nang pag-revoke ng amnesty nito.
No comment naman si Lorenzana sa pahayag ng Malakanyang na posibleng makulong si dating Defense Secretary Voltaire Gazmin dahil sa ‘usurpation of authority’.