Hindi na dapat na palawigin pa ang pinalawig nang martial law o batas militar sa Mindanao.
Ito ang naging rekomendasyon ni Defense Secretary Delfin Lorenzana matapos nitong ipahayag sa isang forum sa Makati City na nagpadala na siya ng kanyang rekomendasyon sa Tanggapan ng Pangulo hinggil dito.
I just sent my recommendation today to the President, recommending the non-extension of martial law in Mindanao, the whole of Mindanao,” ani Lorenzana.
Ayon kay Lorenzana, binatay niya ang kanyang rekomendasyon sa pagsusuri na rin ng mga militar at ng pulisya.
Tiniyak aniya sa kanya ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng pulisya na kanila nang natupad ang mga kailangang gawin sa lugar at batay na rin sa kasalukuyang sitwasyon ay kanila na aniyang mapananatili ang kapayapaan at kaayusan sa Mindanao nang wala nang umiiral na martial law.
Personal ding naniniwala si Lorenzana na natupad na ng pwersa ng seguridad ang kanilang layunin na panatilihing ligtas ang naturang rehiyon.
Dagdag pa nito, makabubuti rin aniya sa negosyo o business sector sa Mindanao kung hindi na palalawigin pa ang umiiral nang batas militar.
Samantala, magugunitang isinailalim sa batas militar ang buong rehiyon ng Mindanao makaraang umatake ang isang ISIS-inspired Maute group sa Marawi City noong buwan ng Mayo, taong 2017 —nakatakda sana itong magtagal lamang ng 60-araw ngunit hiniling ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso na palawigin pa ito ng tatlong beses.
Nakatakdang magtapos ang pag-iral ng martial law sa Mindanao sa darating na ika-31 ng Disyembre ng kasalukuyang taon.