Inikot nila Defense Secretary Delfin Lorenzana at NDRRMC Executive Director Usec. Ricardo Jalad ang mga lugar na matinding apektado ng pag-aalburuto ng bulkang Taal.
Unang nagsagawa ng aerial inspection ang kalihim sa Basilio Fernando Airbase sa Lipa City at saka sinundan naman ito ng pagpupulong kasama si Batangas Gov. Hermilando Mandanas at mga opisyal ng Disaster Risk Reduction and Management Cluster ng rehiyon.
Bumisita rin si Lorenzana sa mga evacuation center sa Bauan Batangas upang personal na tingnan ang sitwasyon ng mga evacuees sa lugar.
Ayon naman kay Joint Task Group Taal Commander B/Gen. Marcelino Teofilo, inatasan ni Lorenzana ang AFP Engineering Unit na gumawa ng mga portable shower at toilet sa mga evacuation centers.
Nagbigay siya ng instructions sa mga Engineers na mag-construct ng kahit mga temporary toilets and shower places para sa ganon yong hygiene at komportable naman kahit papaano ang ating mga kababayan sa evacuation centers.—ani Gen. Teofilo sa panayam ng Balitang 882.