Walang nakikitang mali si National Defense Secretary Delfin Lorenzana sa ginawang pagsulat ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen. Filemon Santos Jr. kay Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian.
Kaugnay ito ng kumalat na kopya ng liham ni Santos kung saan kanyang hiniling na payagan siyang makabili ng limang kahon ng carrimycin na kanyang pinaniniwalaang nakagamot sa kanya noong dapuan siya ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Lorenzana, bagama’t hindi nila minasama ang pagsulat ni Santos sa Chinese government dahil maituturing na personal ang kahilingan nito, masasabi pa ring wala ito sa lugar.
Paliwanag ni Lorenzana, kinakailangan kasing dumaan muna sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang ganoong klase ng sulat.
Gayunman, sinabi ni Lorenzana na hindi na nila tatalakayin at palalakihin pa ang usapin lalo na’t umamin naman na aniya si Santos sa kanyang ginawa.
Kino-consider natin yung experience ni Gen. Santos siya ay na-infect ng deadly virus, nag-take siya ng medicine, carrimycin ibinigay ng isang kaibigan niya na Chinese, ang sabi yung gamot na ‘yon ay controlled ng Chinese government kaya yun ang nagbunsod kay Gen. Santos na idaan niya ang kanyang request through the Chinese ambassador, wala naman siyang kasalanan na nag-violate kaya we will let the matter rest na,” ani Lorenzana. — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)