Binalaan ng Bureau of Customs (BOC) ang publiko kaugnay sa tinatawag na “love scam”.
Ito’y matapos tumaas ang bilang ng mga Pinoy na nabibiktima ng modus na ito sa gitna ng quarantine period.
Ayon sa BOC, nakapagtala ang ahensya ng nasa 100 kaso ng “love scam” sa loob ng tatlong buwan habang nasa lockdown ang maraming lugar.
Sinabi ng BOC na maaaring sinasamantala ng mga nasa likod ng scam na ito ang pagiging bored ng publiko dahil sa pananatili sa kani-kanilang bahay.
Karaniwan umanong nabibiktima ang mga ito sa social media –nagsasagawa sila ng background checking sa kanilang target kaugnay sa mga activities nito sa social media.
Sa pamamagitan nito madali nilang nakukuha ang tiwala ng kanilang target hanggang sa mahulog na ang loob sa kanila dahil sa inaakalang parehas ang interest.
Kapag nagkaroon na umano ang suspek at biktima ng “mutual understanding”, dito na sila magpapadala kunwari ng package o parcel na mayroong malaking halaga.
Ngunit sasabihin umano ng suspek sa kaniyang biktima na ang kaniyang package na ipinadala ay naka tengga sa BOC at kinakailangan lang bayaran ng biktima ang tax para ma-claim ito o mailabas ang kargamento.
Kapag napapayag na umano nila ang biktima uutusan nila itong ipadala ang bayad sa mga remittance centers.