Anggulong “crime of passion” at “love triangle” ang nakikitang motibo sa pamamaril at pamamaslang sa tatlo katao sa Taguig City, kahapon.
Napag-alaman ng Taguig City Police na suspek sa pamamaslang ang dating kasintahan ng isa sa mga biktima na si Marie Angelica Belina.
Kinilala ni Taguig Police acting Chief, Col. Robert Baesa ang suspek na si Julian Paningbatan Jr., alyas Jimboy, dating kinakasama ni Belina at sinasabing miyembro ng Philippine Navy.
Batay sa CCTV footage, nakitang magkausap sina Paningbatan at Belina bago umalingawngaw ang magkakasunod na putok ng baril sa Barangay Fort Bonifacio, dakong alas-3:20 ng madaling araw.
Pabalik na sana si Belina ng Japan bilang Overseas Filipino Worker nang maganap ang krimen.
Patay din sa insidente sina Tashane Joshua Branzuela, kasalukuyang live-in partner ni Marie at Grab driver na si Mark Ian Desquitado na maghahatid sana kina Belina sa airport.
Patuloy na tinutugis ng mga otoridad si paningbatan na sinasabing naka-AWOL o Absent without Leave sa Navy.