Nangako ang Climate Change Commission (CCC), Department of Transportation (DOTr), at iba’t ibang transport groups na aapurahin nito ang paglilipat ng sektor ng transportasyon patungo sa low-carbon at sustainable development bilang bahagi ng pagtupad ng commitment ng Pilipinas sa ilalim ng Nationally Determined Contributions (NDC).
Sa isang Climate and Transport Forum, lumagda ang mga kinauukulang sektor sa isang Pledge of Support kung saan magtutulungan ang mga ito sa paghahanap ng mga paraan, pangangalap ng mga datos, pagtataguyod ng clean and green technologies at iba pa upang malimitahan ang greenhouse gas (GHG) emissions mula sa transport sector.
Batay sa 2010 National Greenhouse Gas Inventory, pangatlo ang sektor ng transportasyon sa hanay ng mga pinakamalaking emitter sector sa bansa na nagdudulot ng 24.17 metric tons ng carbon dioxide equivalent (MTCO2e).
Sinasabing ang emissions na ito ay hatid ng land transportation (87.88%), water-borne navigation (9.18%), at domestic aviation (2.95%).
Sa kanyang talumpati, ipinagmalaki naman ni CCC Secretary Robert Borje ang papel ng gobyerno sa pag-usad ng bansa patungo sa sustainable at low-carbon o mas malinis na transportation system.
“We need to be transformative as we transition the transport sector to low carbon development. We need to forge partnerships, unlock access to finance and technology, and operate in a whole-of-nation approach towards an effective and transformative low carbon transport sector – a transformation that would benefit everyone,” wika ni Borje.
Tampok sa panel discussions ukol sa low-carbon transportation ang mga tanyag na kinatawan mula sa maraming sektor kasama ang mula sa academe na si Dr. Jose Bienvenido Biona ng De La Salle University; development partners, Mr. Jose Alfonso Maria Cua ng UNDP Philippines Low Carbon Transport Project Team; private sector, Mr. Yuri Sarmiento ng Electric Vehicle Expansion Enterprises Inc. -EVX at Federation of Electric Vehicle Operators, Inc; public transport operators and cooperatives, Mr. Leonardo Bautista ng Pagunova Transport and Multi-purpose Service Cooperative; at transport sector civil society organizations, Mr. John Leo Algo ng Aksyon Klima Pilipinas.
Ang event ay bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Disaster Resilience Month (NDRM) ngayong buwan na nakatuon sa mga hamon ng climate change at disaster risk reduction and management at may temang, “Sambayanang Pilipino, Nagkakaisa tungo sa Katatagan at Maunlad na Kinabukasan.”