Muling binuhay at nakiisa ang Liberal Party senators sa panawagan na magbitiw na sa puwesto si Justice Secretary Vitaliano Aguirre.
Ito’y matapos mabuking ang pakikipagtulungan umano ni Aguirre sa VACC o Volunteers Against Crime and Corruption laban sa planong pagsasampa nito ng kaso sa kanilang kasamahan na si Senador Risa Hontiveros.
Ayon kay LP President Senator Francis “Kiko” Pangilinan , ang panibagong “unethical” na pahayag at kilos ni Aguirre ay sapat na upang hilingin na bumaba na ito bilang kalihim ng Department of Justice o DOJ.
Nauna rito, ipinanawagan noong nakaraang buwan ng mga miyembro ng LP na magbitiw na sa puwesto si Aguirre dahil sa pagpapakalat nito ng “fake news.”
Matatandaang, inakusahan ni Aguirre ang umano’y mga miyembro ng ‘Dilawan’ na pasimuno sa nangyayaring kaguluhan sa Marawi City.
(Ulat ni Cely Bueno)