Idinepensa ng Liberal Party (LP) si Vice President Leni Robredo sa pagdulog nito sa United Nations (UN) hinggil sa madugong war on drugs ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kanilang official statement, sinabi ng LP na ang pagpapalabas ng video message ni Robredo ay pagpapakita sa buong mundo na mayroong demokrasya sa Pilipinas.
Hinikayat ng LP senators si Senate President Koko Pimentel na mas pagtuunan ng pansin ang tumatambak na kaso ng mga pagpatay sa bansa, ang pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin at ang labing tatlong (13) milyong ektarya sa Benham Rise na mayaman sa minerals.
Pinuna ng LP senators na mas nakalalamang ang atensyon ng bansa sa pulitika kaysa sa mga mga isyung malapit sa sikmura ng taongbayan.
Nagpahayag ng pag-asa ang LP senators na ibabaling ng mga halal na opisyal ng bayan ang kanilang atensyon sa mga isyung naging dahiilan kung bakit sila iniluklok ng taongbayan sa puwesto at yan ay para mapaganda ang kanilang mga buhay at kinabukasan ng kanilang mga anak.
By Len Aguirre | Report from Cely Bueno (Patrol 19)
Photo: Senate PRIB