Tanggap na ng Liberal Party (LP) na hindi na nila makukumbinsi si Senadora Grace Poe na maging running mate ng kanilang standard bearer na si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas para sa 2016 Presidential elections.
Ito, ayon kay Liberal Party Vice Chairman at Senate President Franklin Drilon, ay dahil malinaw na tatakbo rin sa pagka-Pangulo si Poe.
Dahil dito, sinabi ni Drilon na kanyang hihilingin sa National Executive Council ng kanilang partido na mag-convene sa lalong madaling panahon upang makapag-nominate ng vice presidential o ka-tandem ni Roxas.
Nang tanungin kung sino sa tingin niya ang maaaring maging ka-tandem ni Roxas, binanggit ni Drilon sina Batangas Governor Vilma Santos at Congressman Leni Robredo.
Maging sina Senador Antonio Trillanes at Alan Peter Cayetano na kapwa mga taga-Nacionalista Party ay kabilang sa pagpipilian, at kung sakaling isa sa kanila ang ma-nominate ay posibleng magkaroon ng koalisyon sa pagitan ng Liberal Party at Nacionalista Party.
By Avee Devierte | Cely Bueno (Patrol 19)