Tikom ang bibig ng Liberal Party (LP), hinggil sa resulta ng kanilang pakikipag-usap kay Senator Grace Poe, para maging running mate ni DILG Secretary Mar Roxas.
Sinabi ni Congressman Edgar Erice, Chairman ng Political and Electoral Affairs ng Liberal Party, na mahirap pangunahan ang senadora at kanila namang ginagalang ang aumang magiging pasya ni Poe.
“Mahirap pangunahan si Senator Poe, mas maganda nap o na igalang natin ang kanyang discernment, tayo ay nakikiusap.” Ani Erice.
Nanindigan din si Erice na hindi sila nangangampanya, at ang kanilang mga aktibidad ay bilang bahagi lamang ng paghahanda para sa halalan.
“Kailangan pong mag-organize para in preparation for the election, karapatan lang po ‘yan ng bawat partido, ‘yan ay gawain talaga before the filing of certificate of candidacy, sa katunayan po si Vice President Binay po ay 5 taon nang nangangampanya eh.” Paliwanag ni Erice.
Roxas resignation
Samantala, posibleng isang buwan na lang mananatili bilang kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG) si Secretary Mar Roxas.
Ipinaliwanag ni Congressman Edgar Erice, Chairman ng Political and Electoral Affairs ng Liberal Party, na hindi makakabuti para kay Roxas ang manatili sa posisyon, lalo na at marami itong imbitasyon mula sa probinsiya, na hindi mapagbigyan.
Una nang tinanggihan ng Pangulong Noynoy Aquino, ang pagbibitiw sa puwesto ni Roxas, matapos itong i-endorso bilang standard bearer ng Liberal Party.
By Katrina Valle | Karambola