Patuloy paring mararanasan ang thunderstorm sa ilang lugar sa bansa bunsod parin ng Low Pressure Area (LPA) at Southwest Monsoon o Hanging Habagat.
Ayon kay PAGASA Senior weather specialist Chris Perez, asahan ang makakapal na ulap na magdadala ng malalakas na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa timog bahagi ng Luzon, Gitnang Luzon, Palawan, Mimaropa, Bicol Region, Tarlac, Zambales, Bulacan, Rizal, Cavite, Laguna at Batangas.
Magiging maaliwalas naman ang panahon sa Metro Manila pero makakaranas ng mga pag-ulan na may kasamang pagkulog at pagkidlat sa hapon hanggang sa gabi.
Asahan din ang maulap na may kalat-kalat na mga pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa bahagi ng Visayas habang magiging maganda naman ang panahon sa Mindanao maliban nalang sa mga isolated rain showers sa hapon o gabi.
Nagpaalala sa publiko si Perez na manatiling maging alerto at subaybayan ang mga Advisory ng PAGASA para maging ligtas.
Samantala, patuloy pang minomonitor ng Pagasa ang LPA na huling namataan sa layong 345 kilometers silangang bahagi ng Daet, Camarines Norte na posibleng makaapekto sa ilang bahagi ng katimugang Luzon at Visayas.
Sa ngayon, patuloy paring umiiral ang Hanging Habagat na nagdadala ng maulap na kalangitan sa western section ng Luzon at ilang bahagi ng Visayas.
Agwat ng temperatura sa Metro Manila ay maglalaro sa 26°C hanggang 33°C habang sisikat naman ang haring araw mamayang 5:33 ng umaga at lulubog naman ito mamayang 6:29 ng hapon.