Patuloy na binabantayan ng PAGASA ang namataang low pressure area (LPA) na posibleng pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong Sabado, Disyembre 30.
Ang nasabing sama ng panahon ay huling namataan sa layong 1,245 kilometro ng silangan ng Mindanao.
Ayon sa PAGASA, nasa 50% ang tiyansa na tuluyang mabuo ito bilang isang ganap na bagyo na papangalanang ‘Agaton’, na unang magiging bagyo sa papasok sa taong 2018.
Kung sakaling maging ganap bagyo ang naturang LPA, tinatayang magla-landfall ito sa Eastern Mindanao sa Lunes, Enero 1, ng hapon o Martes, Enero 2, ng hapon.
Samantala, dalawang (2) weather system naman ang umiiral sa bansa ngayong Sabado, Rizal Day.
Magdadala ng maulap na kalangitan na may kasamang pag-uulan, pagkidlat at pagkulog ang buntot ng cold front sa bahagi ng Bicol at Caraga Region.
Habang naaapektuhan ng hanging amihan ang bahagi ng Cagayan Valley at Administrative Region, kabilang na ang Metro Manila, Ilocos Region, ilang bahagi ng Central Luzon, at CALABARZON.
Magdadala naman ito ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan.