Nabuo na at naging ganap na bagyo ang Low Pressure Area (LPA) na namataan ng PAGASA sa silangang bahagi ng Central Luzon.
Ayon sa PAGASA, ang bagyo na pinangalanang Karding at nasa tropical depression category ay pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) kaninang alas otso ng umaga.
Ang sentro ng bagyong Karding ay pinakahuling namataan sa layong 1,350 kilometers Silangan ng Central Luzon.
Taglay ng bagyo ang pinakamalakas na hanging umaabot sa 45 kilometers kada oras at may pagbugso na nasa 55 kilometers kada oras.
Ang bagyong Karding ay inaasahang kikilos pa silangan sa bilis na 10 kilometro kada oras.
Ipinabatid ng PAGASA na posibleng mag landfall ang bagyong Karding sa East coast ng Isabela o Cagayan sa araw ng linggo at inaasahang mapapanatili nito ang pagkilos pa kanluran.
Pagkatapos nito ay inaasahang ang sentro ng bagyong Karding ay tatawid sa northern luzon bago sa ibabaw ng West Philippine Sea sa Lunes.
Ang bagyong Karding ay inaasahang magdadala ng matinding pag ulan sa Northern at Central Luzon simula sa araw ng sabado kasabay ang babala sa pagguho ng lupa at mga pagbaha.
Inihayag ng PAGASA na posibleng itaas ang public storm signal number 1 sa Northern Luzon at ilang bahagi ng Central Luzon bukas ng gabi o Sabado ng umaga.