Patuloy pa ring binabantayan ng PAGASA Weather Bureau ang Low Pressure Area (LPA) na nasa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) na huling namataan sa layong 790 kilometers silangan ng Hinatuan, Surigao Del Sur.
Ayon kay PAGASA Weather Specialist Aldczar Aurelio, ang LPA ay nakapaloob sa Inter-Tropical Convergence Zone (ITCZ) at may mataas na tiyansang maging bagyo sa loob ng linggong ito.
Ang naturang LPA ay posibleng baybayin ang bahagi ng silangang Visayas pero maari ring magtungo sa bahagi ng Northern Luzon.
Samantala ang dati namang Bagyong Obet na ngayon ay isa nalamang LPA na nasa labas ng PAR ay patuloy na humihina at huling namataan sa layong 660 kilometers kanlurang bahagi ng Calayan, Cagayan.
Asahan naman ang mas malamig na panahon sa malaking bahagi ng Luzon partikular na Northern Luzon dahil sa pag-iral ng Hanging Amihan habang ITCZ pa rin ang nakakaapekto sa Visayas at Mindanao maging sa bahagi ng Palawan.
Makararanas naman ng isolated rain showers at thunderstorms ang Batanes at Babuyan Islands habang magiging maaliwalas naman ang panahon sa Metro Manila at nalalabing bahagi pa ng bansa.
Agwat ng temperatura sa Metro Manila ay maglalaro sa 25°C hanggang 32°C habang sumikat ang haring araw kaninang 5:49 ng umaga at lulubog naman ito mamayang 5:31 ng hapon.