Nanatili sa bahagi ng Pacific Ocean ang Low Pressurea Area (LPA) na huling namataan sa layong 920 kilometers silangang bahagi ng Visayas.
Ayon kay PAGASA weather specialist Aldczar Aurelio, hindi pa nakakaapekto sa anumang bahagi ng bansa ang lpa na nakapaloob sa Inter-Tropical Convergence Zone (ITCZ) pero mataas ang posibilidad nito na mag-develop at maging isang bagyo sa loob ng 48 oras.
Ang LPA ay posibleng maglandfall ng dalawang beses sa Northern at Central Luzon pero posible din itong kumilos pa-northward ng bansa.
Sinabi ng PAGASA Weather Bureau na ang ITCZ pa rin ang nakakaapekto sa Palawan, Visayas, at Mindanao habang ang Northeast Monsoon o Hanging Amihan naman ang umiiral sa malaking bahagi ng Northern Luzon.
Asahan naman na makararanas ng maulap na kalangitan na may mga kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog, at pagkidlat ang bahagi ng Cagayan, Isabela, Quirino, at Aurora dahil naman sa epekto ng shearline o ang pagsasalubong ng malamig at mainit na hangin mula sa Pacific Ocean.
Magiging maayos naman ang panahon sa nalalabing bahagi ng Luzon kasama na ang Metro Manila maliban nalang sa mga isolated rain showers sa hapon hanggang sa gabi.
Sa ngayon, nakataas ang gale warning signal ng PAGASA sa bahagi ng Batanes, Babuyan Islands, Cagayan, Isabela, Ilocos Norte at Ilocos Sur kaya pinagbabawalan munang pumalaot ang mga kababayan nating mangingisda at maliliit na sasakyang pandagat.