Nagpaalala sa publiko ang PAGASA partikular na sa mga nakatira sa MIMAROPA, maging sa bahagi ng Bicol Region dahil magiging maulap ang kalangitan na may tyansa ng mga pag-ulan, pagkulog at pagkidlat dahil parin sa pinagsamang epekto ng Southwest monsoon at Low Pressure Area (LPA).
Makakaranas naman ng maaliwalas na panahon ang nalalabing bahagi ng Luzon kaya’t panatilihin ang pagdala ng payong at iba pang panangga sa biglaang pagbuhos ng ulan o thunderstorms lalo na sa hapon hanggang sa gabi.
Ayon kay PAGASA weather specialist Obet Badrina, asahan na ang bahagyang maulap na may kalat-kalat na mga pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa bahagi ng Visayas dahil parin sa epekto ng Southwest monsoon at LPA sa bansa.
Makakaranas naman ang maulap na kalangitan sa bahagi ng BARMM; Zamboanga Peninsula; Northern Mindanao; at Surigao provinces dahil parin sa southwest monsoon.
Samantala, magiging maaliwalas naman ang panahon sa bahagi ng Soccsksargen at Davao City maging sa nalalabing bahagi ng Mindanao maliban na lamang sa mga isolated rain showers at thunderstorm.
Agwat ng temperatura sa Metro Manila ay maglalaro sa 25°C hanggang 32°C habang sisikat naman ang haring araw mamayang 5:33 ng umaga at lulubog naman ito mamayang 6:29 ng hapon.