Isa nang ganap na bagyo ang binabantayang Low Pressure Area (LPA) ng PAGASA sa silangang bahagi ng Cagayan.
Ayon sa PAGASA, dakong alas-2 ng madaling araw ng Lunes nang maging isa itong Tropical Depression at tatawagin itong “Carina”.
Dahil dito, nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa Batanes, Babuyan Islands, hilagang-silangang bahagi ng mainland Cagayan kabilang ang Sta. Ana, Gonzaga, Sta. Teresita, at Baggao.
Inaasahang magdadala ang Tropical Depression Carina ng mga pag-ulan at pabugso-bugsong hangin sa hilagang-silangang bahagi ng Cagayan kabilang ang Babuyan Islands, na posible namang magdulot ng flash floods o landslides.
Huling namataan kaninang alas-3 ng madaling araw ang bagyo sa layong 315 kilometro, silangan ng Tuguegarao City, Cagayan.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 45 kilometers per hour km/h malapit sa gitna, at pagbugsong aabot naman sa 55 km/h.
Kumikilos ang Tropical Depression Carina pa-Kanluran sa bilis na 20 km/h.
Inaasahang tatama sa kalupaan ang naturang bagyo sa pagitan ng northeastern portion ng Babuyan at Cagayan, sa pagitan naman ng gabi ng Lunes at umaga ng Martes.
Samantala, makararanas naman ng maulap na kalangitan na may pulo-pulong pag-ulan sa hapon o gabi sa Mindanao at nalalabing bahagi ng Visayas dahil sa localized thunderstorms.