Patuloy pang minomonitor ng PAGASA Weather Bureau ang Low Pressure Area (LPA) na namataan sa labas ng Philippine Area of Responsiility (PAR) sa layong 635 kilometers silangan-timog-silangan ng General Santos City.
Ayon kay PAGASA Weather Specialist Obet Badrina, posibleng pumasok ng PAR ang LPA pero maliit pa rin ang tsansa nito na maging bagyo.
Inaasahan naman na patuloy na maghahatid ng maulan na panahon ang LPA at Northeast Monsoon o Hanging Amihan sa bahagi ng Visayas at Mindanao kasama na ang bahagi ng Palawan at Bicol Region.
Samantala, wala namang inaasahang bagyo o iba pang sama ng panahon na posibleng pumasok sa bansa hanggang sa susunod pa na araw.
Patuloy pa ring nagpapaalala sa publiko ang PAGASA na panatilihing maging alerto at makinig sa mga abiso ng lokal na pamahalaan hinggil sa lagay ng panahon; doblehin ang pag-iingat lalo na sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa dulot ng mga pag-ulan; magdala ng payong at iba pang panangga para sa biglaang pagbuhos ng ulan.
Agwat ng temperatura sa Metro Manila ay maglalaro sa 22°C hanggang 29°C habang sumikat ang haring araw kaninang 6:23 ng umaga at lulubog naman ito mamayang 5:42 ng hapon.