Patuloy na binabantayan ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang Low Pressure Area (LPA) na papalapit sa Bicol Region at huling namataan, 245 kilometro sa silangan ng Catarman, Northern Samar.
Ayon kay Jun Galang, Weather Forecaster ng PAGASA, posible pang maging tropical depression ang namumuong sama ng panahon dahil ito ay nasa dagat pa.
Sinabi ni Galang na kapag naging isang ganap na bagyo, tatawagin itong “Kabayan.”
Sakaling hindi magbago ang tinatahak na direksyon, maaring malapit na ito sa Metro Manila, ngayong weekend.
Asahan naman ang maulap na papawirin na may kasamang mahina hanggang sa katamtamang lakas ng ulan, sa malaking bahagi ng bansa.
Ayon sa PAGASA, ito ay dahil sa Low Pressure Area na huling namataan sa bahagi ng Catarman, Northern Samar.
Kasama sa mga makakaranas ng bahagyang masungit na lagay ng panahon ay ang Metro Manila, Central Luzon, CALABARZON, Bicol Region, Eastern Visayas at ang mga probinsya ng Mindoro, Marinduque at Romblon.
By Katrina Valle | Ratsada Balita