Patuloy paring binabantayan ng Pagasa weather bureau ang low pressure area (LPA) na nasa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa layong 870 kilometers Silangan ng Mindanao.
Mataas din ang tiyansa nito na maging bagyo sa mga susunod na araw at posibleng tawaging bagyong “Rosal” na pang labing walong bagyo ngayong taon.
Ayon sa Pagasa Weather Specialist Raymond Ordinario, patuloy paring makararanas ng mga pag-ulan ang Luzon, Visayas at Mindanao dahil parin sa pag-iral ng shearline.
Asahan parin ang makulimlim na panahon na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa bahagi ng Cagayan, Apayao, at Ilocos Norte kasama na ang Batanes at Bicol Region.
Magiging maaliwalas naman ang panahon na may pulu-pulong mga pag-ulan sa nalalabing bahagi ng Luzon kasama na ang Metro Manila maging sa eastern section ng Visayas at Mindanao.
Agwat ng temperatura sa Metro Manila ay maglalaro sa 24 hanggang 32 degrees celsius habang sumikat naman ang haring araw kaninang 6:09 ng umaga at lulubog naman ito mamayang 5:27 ng hapon.