Inaasahang magiging ganap nang bagyo ang binabantayang low pressure area (LPA) sa silangang bahagi ng Southern Luzon sa susunod na 48 oras.
Sakaling tuluyan nang maging bagyo ang nabanggit na sama ng panahon, tatawagin itong ‘Ramon’.
Batay sa datos ng PAGASA, huling namatan ang LPA sa layong 1,005 kilometro silangan ng Virac, Catanduanes.
Inaasahang makakaapekto naman ang lpa sa baybayin at kalupaang bahagi ng silangang Luzon at Visayas sa susunod na dalawang araw.
Samantala, magdadala naman ng maulap na papawirin na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat ang trough o buntot ng LPA sa Bicol Region, Visayas, Caraga, Northern Mindanao, Davao Region, Quezon, Mindoro Provinces, Marinduque, at Romblon ngayong araw.