Isa nang ganap na bagyo na ang binabantayang Low Pressure Area (LPA) ng PAGASA na nasa silangang bahagi ng Visayas.
Ayon sa PAGASA, tatawagin ang bagong bagyo bilang si Liwayway na nasa tropical depression category at inaasahang maghahatid ng mga pag-ulan sa Caraga at Davao Region.
Batay sa datos ng weather bureau, huling namataan ang bagyong Liwayway sa layong apatnaraan at limang kilometro silangan, hilagang silangan ng Hinatuan, Surigao Del Sur.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 45 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugsong aabot sa 55 kilometro bawat oras.
Kumikilos ito sa direksyong pa-hilagang kanluran sa direksyong pa Leyte at may bilis ito na 20 kilometro bawat oras.
Samantala, inaasahang lalakas pa ang bagyong Kabayan at magiging ganap na tropical storm habang nasa labas na ito ng Philippine Area of Responsibility (PAR) at tinutumbok nito ang direksyon patungong China.
Huling namataan ang bagyo sa layong 390 kilometro kanluran, hilagang kanluran ng Laoag City, Ilocos Norte.