Nakikipag-ugnayan na ang Light Rail Manila Corporation (LRMC) sa AF Payments Incorporated na kanilang outsourced partner hinggil sa mga aberyang naranasan kahapon, ika-16 ng Enero, hinggil sa paggamit ng value Beep cards.
Sinabi ng LRMC na nakaranas ng technical problem sa kanilang Automated Fare Collection System (AFCS) gates.
Kabilang dito ang pagbawas sa Beep cards ng ilang pasahero matapos pumasok sa istasyon ng LRT-1, gayung ang bawas ay dapat sa paglabas pa nila sa bababaang istasyon.
Dahil sa problema, pinayuhan na lamang ang mga pasahero ng LRT-1 na gumamit ng single journey tickets.
Gabi na nang maibalik sa normal ang sitwasyon at mapayagang magamit ang stored value cards.