Inaasahang magagamit na simula sa 2020 o kaya sa 2021, ang mga istasyon na kasama sa extension project ng LRT o Light Rail Transit Line 1 o yuong bumibiyahe mula Roosevelt Avenue hanggang Baclaran.
Sinabi ni Transportation Undersecretary for Rails Cesar Chavez na sinimulan na noong Martes, Mayo 2, ang paglilipat sa mga informal settlers na maapektuhan ng mga bagong istasyon mula sa Parañaque patungo sa General Trias, Cavite.
“500 million para bumili po ng 20 hectares, magtayo ng 2,000 housing units, maglagay ng utilities sa magiging relocation ng mahigit 1,000 informal settlers, ang una nating inilipat ay yung mga nasa Parañaque sapagkat yung Baclaran to Cavite, 5 out 8 stations ay nasa Parañaque.” Ani Chavez
Maliban sa LRT Line 1, inaasahang matatapos na rin ang extension projects sa LRT Line 2 at MRT 7, sa 2021.
Tinatayang aabot sa walong daang libong (800,000) pasahero, aniya, ang makikinabang sa LRT Line 1 kapag natapos na ang extension project.
“Ngayon yung Roosevelt hanggang Baclaran yung pasahero niyan araw-araw ay nasa 500,000 kapag operational na hanggang Bacoor magiging 800,000 na, imaginin mo na yung 300,000 idi-divide mo sabihin mo nang 20 bawat isang jeep, ganun kadami ang jeep na katumbas ng mga pasaherong yan.” Pahayag ni Chavez
PNR extension project
Tiniyak ni Transportation Undersecretary for Rails Cesar Chavez na makukumpleto bago matapos ang termino ng Pangulong Rodrigo Duterte, ang extension project ng PNR o Philippine National Railways sa bahagi ng tutuban patungo sa Bulacan.
Sinabi ni Chavez na naaprubahan na sa ilalim ng administrasyon ng dating Pangulong Noynoy Aquino ang 105 billion pesos loan agreement para rito at magsisimula na rin ang konstruksyon nito sa ikalawang quarter ng 2018.
Tinatayang aabot sa tatlong daang libong (300,000) pasahero mula sa Bulacan, ang makikinabang sa naturang extension project.
By Katrina Valle | Balitang Todong Lakas (Interview)
LRT-1 extension magiging operational sa 2021 was last modified: May 5th, 2017 by DWIZ 882