Nasa huling bahagi na ng konstruksyon ang Light Rail Transit (LRT) 2 extension project na magdurugtong sa Recto Station sa Maynila at Masinag Station sa Antipolo City, Rizal.
Pinangunahan ni Transportation Secretary Arthur Tugade ang isang seremonya sa pagkakabit ng mga riles kasabay ng paglalagay ng electro-mechanical system (EMS) sa tren.
Kasama ni Tugade si LRT Administrator Reynaldo Beroya at Japanese Ambassador to the Philippines Koji Haneda.
Binubuo ang EMS ng signaling system, overhead catenary system, telecommunications system at power supply maging ang distribution system para sa dalawang bagong istasyon ng LRT 2 na emerald station sa Marikina at Masinag.
Sa sandaling matapos ang proyekto na may habang apat na kilometro sa susunod na taon, inaasahang madaragdagan ng mahigit 80,000 ang mga pasaherong sumasakay sa LRT 2 mula sa kasalukuyang 240,000.