Humingi ng paumanhin ang pamunuan ng Light Rail Transit (LRT) Line 1 sa pag-andar ng isa nilang tren habang may nakabukas na pinto ng isa sa mga coach nito sa bahagi ng Central Station at UN Avenue Station bandang alas-6:00 kagabi, March 10.
Nakasaaad sa official twitter account ng Light Rail Manila Corporation o LRMC na nananatili ang kanilang safety policy na walang tren na maaaring umalis sa istasyon o depot kung may sira sa pinto ng coach nito.
Batay sa video ng Technological University of the Philippines (TUP) student na si James Cubelo, nasorpresa ang mga pasahero ng LRT sa central station nang umandar ang tren kahit pa hindi sumasara ang pinto nito.
Sa sumunod na istasyon, ipinagbigay alam ng mga pasahero ang sira sa pintuan ng isang bagon ng LRT sa security guard ngunit sa halip na aksyunan ay pinayuhan na lang aniya sila nito na kumapit nang mabuti.
Na-address lamang ang problema sa pintuan ng LRT pagsapit ng Pedro Gil Station.
Ipinabatid naman ng LRMC na iniimbestigahan na nila ang insidente katuwang ang kanilang engineering at safety teams para matiyak na ito ay hindi na mauulit.
By Meann Tanbio | Ralph Obina