Sumakabilang buhay na ang Administrador ng Light Rail Transit Authority o LRTA na si Retired Police Brigadier General Reynaldo Berroya.
Ayon sa Department of Transportation o DoTr, pumanaw si Berroya sa edad na 74 dulot ng kaniyang matagal nang pakikipaglaban sa sakit na Colon Cancer.
Kasabay nito, nagpaabot ng taus-pusong pakikiramay si Transportation Sec. Arthur Tugade sa naulilang pamilya ni Berroya kasama ang mga bumubuo ng kagawaran gayundin ng sektor ng transportasyon.
Bago mahalal na Administrador ng LRTA nuong taong 2017 sa ilalim ng Administrasyong Duterte, nagsilbi muna si Gen. Rey bilang Transportation Advocate.
Una riyan, matagal ding nanilbihan si Berroya sa PNP kung saan ay pinamunuan nito ang PNP Intellegence Group bago italaga ng nuo’y Vice President Joseph Estrada bilang Presidential Anti-Crime Commission o PACC.
Naging mahigpit na kritiko rin si Berroya ni dating PNP Chief ngayo’y Senador Panfilo Lacson sa isyu ng Kuratong Baleleng Rubout case nuong dekada 90.