“Tren-ding” ngayon sa social media ang isang content creator na nag-set up ng dinner date sa loob ng umaandar na LRT-2 train.
Sa ilang videos, makikitang gumamit pa ang content creator ng folding table, kandila, at glassware para sa kanyang “random train date”.
Umani ito ng sari-saring reaksyon mula sa mga netizen at maging ang Light Rail Transit Authority (LRTA), nagbigay ng pahayag ukol dito.
Mahigpit na ipinagbabawal sa mga pasilidad ng LRTA ang ganitong uri ng aktibidad. Pagbabahagi nila, walang pahintulot o clearance mula sa management ang paggawa ng naturang videos.
Ayon kay LRTA Administrator Hernando Cabrera, delikado ang ginawa ng content creator dahil posibleng huminto bigla ang tren at magliparan ang mga mababasaging kagamitan, na siya namang tatama sa mga pasahero.
Maging ang pagkuha ng video ng mga pasahero ng LRT ay labag din sa kanilang karapatan sa privacy.
Ikinokonsidera ng LRTA ang pagsasagawa ng mga hakbang laban sa content creator, ngunit sa ngayon, prayoridad nilang tiyakin na hindi na mauulit ang insidente.
Paglilinaw ni Atty. Cabrera, hindi naman tutol ang LRTA sa mga content creator, subalit dapat muna silang humingi ng permiso at gawin lamang ang kanilang videos sa designated areas.
Paalala niya sa content creators, maging responsable sa pamamagitan ng pagrespeto sa kapwa pasahero at pagsunod sa safety at security regulations ng LRTA.