Target ng pamunuan ng Light Rail Transit Authority (LRTA) na buksan nang muli ang Santolan hanggang Anonas station nito sa Setyembre oras na matapos ang krisis dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon sa kay Atty. Hernando Cabrera, tagapagsalita ng LRTA, sinabi nito na base sa timetable ng pamunuan, oras na mai-award ang kontrata sa kumpanyang magsasagawa ng temporary power supply, inaasahan na itong magbalik-operasyon matapos ang tatlong buwan.
Paliwanag naman ni Cabrera, kung nai-award na ang kontrata noong Marso, sa susunod na buwan ng Hunyo ay maaari na itong magamit pero naapektuhan naman ng COVID-19 pandemic ang procurement process nito.
Nauna rito, isinara ang tatlong istasyon ng LRT-2 dahil sa naapektuhang mga rectifiers dahil sa sunog noong Oktubre 2019.
Ito ang Santolan, Katipunan, at Anonas station.
Kasunod nito, tiniyak ng pamunuan ng LRTA, sa oras anila na magbalik normal na sa susunod na buwan, muli na ring tatrabahuin ang procurement process hinggil sa pagsasaayos ng mga nasirang istasyon ng tren.
Samantala, sa oras naman na ibaba na sa general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila, magbabalik-operasyon na rin ang Recto hanggang Cubao stations nito.