Pinag-aaralan ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang posibilidad na gawing testigo si Marine Lt. Col. Ferdinand Marcelino sa kasong illegal drug trading na kinakaharap ni Senador Leila De Lima.
Ayon kay Aguirre, dito malalaman kung bakit siya binisita ni De Lima nang makulong ito sa Philippine National Police o PNP Custodial Center sa Camp Crame at kung bakit nang magsagawa paggalugad sa New Bilibid Prison ay naitsapuwera ang PDEA at sinolo ito ng National Bureau of Investigation (NBI) at Bureau of Corrections (BuCor).
Ang reaksyon ni Aguirre ay batay na rin sa sinabi ni Marcelino sa kanyang affidavit noon na habang siya ay naka-detain sa PNP Custodial Center, binisita siya ni De Lima at pinag-usapan nila ang tungkol sa sinalakay na shabu laboratory sa Camiling, Tarlac noong 2014.
Naungkat umano ni Marcelino ang posibilidad na napasok na ng sindikato ng iligal na droga ang pambansang liderato, at sumagot naman aniya si De Lima at sinabing nakatitiyak siya na hindi sangkot sa iligal na droga si dating Pangulong Noynoy Aquino.
Ikinagulat ni Marcelino ang pagkakabanggit ni De Lima sa dating pangulo, gayong hindi naman niya nasambit ang pangalan ng dating Punong Ehekutibo.
Sa ngayon, ayon kay Aguirre, bibigyan niya ng pagkakataon na makapag-usap sina Marcelino at ang kanyang abugado na si Public Attorney’s Office o PAO Chief Atty. Percida Acosta.
By Meann Tanbio | With Report from Bert Mozo