Tuloy ang ipinatawag na pulong ngayong araw na ito ni Senate Public Service Committee Chair Grace Poe sa mga opisyal ng LTFRB at Uber.
Sa gitna ito nang pag operate pa rin ng Uber kahit pa naghain na ng Motion for Reconsideration matapos suspindihinng LTFRB ng isang buwan.
Sinabi ni Poe na naiintindihan niya ang LTFRB sa batas na dapat nitong ipatupad subalit maraming pagkakataon na maaaring singilin o panagutin ang Uber.
Kabilang dito aniya ang pagtatakda ng malaking penalty sa Uber na makakasakit sa bulsa nito subalit hindi maaapektuhan ang mga pasahero.
Samantala inihayag naman ni Senate Public Services Committee Vice Chair JV Ejercito na nakikiisa siya sa sentimiyento ni Poe na kapakanan lamang din ng riding public ang iniisip.
Ayon kay Ejercito dapat ay matuto na ang Uber sa ipinataw na suspensyon sa kanila at huwag nang balewalain ang kanilang mga paglabag.
Dahil dito tiniyak ni Ejercito na patuloy niyang isusulong ang pagpasa sa isinampa niyang panukala na magsisilbing guide sa operasyon ng App based transport companies tulad ng Uber.