Tiniyak ng ibinalik sa pwesto na si Land Transportation and Regulatory Board Chairman Teofilo Guadiz III na bibigyan ng sapat na panahon ang public utility vehicles upang makasama sa mga kooperatiba o korporasyon.
Tugon ito ng ahensya sa hinaing ng transport group na piston na kasalukuyang nagsasagawa ng transport strike bilang protesta sa consolidation deadline sa Disyembre 31 dahil sa takot na tutuldukan nito ang hanapbuhay ng mga operators at PUV drivers.
Nilinaw ni Chairman Guadiz, na magbibigay sila ng tatlong taon para sa nasabing deadline dahil hindi maaaring patingi-tingi lamang ang modernization program.
Binigyang diin pa ng opisyal na hindi kailangan ng agarang consolidation upang makumpleto ang process dahil matuturing na consolidated na kapag nakiisa sa modernization program sa araw ng deadline.
Kaugnay nito, sinabi ni Chairman Guadiz na bilang bahagi ng negosasyon sa transport groups, maaaring magbigay ang LTFRB ng limang taong provisional authority sa mga prangkisa basta’t sila ay sumali sa modernization program.