Pinagbibitiw ng ilang mambabatas si Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB Chairman Winston Ginez.
Ito’y matapos gisahin si Ginez sa pagdinig ng House Committee on Metro Manila Development hinggil sa kontrobersyal na desisyon ng LTFRB na pumapayag na magbago ng ruta ang mga bus operator ng kumpaniyang Pangasinan Solid North Incorporated.
Ayon kay DWIZ Karambolista at Abakada Partylist Representative Jonathan dela Cruz, matagal na umanong niloloko ni Ginez ang mga mambabatas sa pangako nitong linisin ang LTFRB.
Napag-alaman kasi sa pagdinig na may hindi pagkakaunawaan ang mga opisyal ng LTFRB dahil nagpalabas ito ng kautusan na pirmado ng LTFRB Board ngunit walang pirma ni Ginez.
Dahil dito, binanatan ni Angkla Partylist Representative Jess Manalo ang mga opisyal ng LTFRB dahil sa watak-watak at hindi nag-uusap ang mga ito na siyang sanhi ng mas malaking problema.
Ginez, pumalag
Nilinaw naman ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB Chairman Winston Ginez na hindi lamang iisang kumpaniya ng bus ang kanilang pinapaboran.
Inihayag ito ni Ginez makaraan siyang gisahin ng mga mambabatas hinggil sa pagpayag ng LTFRB na magbago ng ruta ang nasabing kumpaniya sa kabila ng kawalan nito ng business permit, terminal at grahe sa bago nitong ruta.
Sinabi ni Ginez, hindi lamang ang Pangasinan Solid North ang sumalang sa proseso kundi mahigit sa 100 mga kumpaniya ng bus ang humiling na magbago sila ng ruta mula nang kanilang ipatupad ang out of line violation.
Ngunit hindi na nasunod ng mga naturang kumpaniya ang kanilang ruta dahil sa pagdami ng mga mananakay, bagong daan gayundin ng mga growth at tourism areas.
Giit pa ni Ginez, nagkakaisa ang lahat ng mga opisyal ng LTFRB nang ipalabas nila ang desisyon ngunit aminado si Ginez na wala siyang pirma rito.
By Jaymark Dagala