Hindi matitinag ang pamahalaan sa mga bantang kilos protesta ng ilang transport groups tulad ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide o PISTON para labanan ang modernisasyon ng mga jeepney.
Ayon kay Atty. Aileen Lizada, Board Member at Spokesperson ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB, tuloy-tuloy ang paghahanda nila para sa modernisasyon at paunang hakbang dito ang ‘Tanggal Bulok, Tanggal Usok’ campaign.
“Si George kasi doesn’t like to see it, he refuses to see and only focuses on what he wants to see, ‘yun lang ang ibinibigay niya sa kanyang mga miyembro, kaya nga gobyerno tayo, we always say we are open to dialogues but we will not be held hostage by these kinds of groups, we need to move forward, we owe it to the riding public, this time around kailangan po nating to remain on course and we will deliver what we need to deliver sa mga mananakay.” Ani Lizada
‘Transport network vehicles’
Samantala, nilinaw ng LTFRB na hindi lahat ng hatchback na sasakyan ay ipagbabawal nilang magamit na unit sa transport network vehicle service.
Ayon kay Lizada, kapag nakapasok sa 2000-cc rated ay papayagan ito ng LTFRB.
Nilinaw ni Lizada na nakalusot ang mga hatchback na sasakyan at maliliit na sasakyan dahil walang isinagawang inspection noong unang kumuha ng prangkisa ang mga transport network company.
Binigyang diin ni Lizada na ang hakbang na ito ng LTFRB ay para sa kapakanan at kaligtasan ng mga mananakay.
“Yung makakapasa in a substitute with a sedan, or one that is compliance under the law, Bakit? it is for the safety, hindi po puwedeng maliliit na kotse kailangan yung standard natin ay yung sedan, there’s a technical requirement, volume, configuration ng sasakyan, yung length and width niya.” Pahayag ni Lizada
(Ratsada Balita Interview)