Asahan na ang pagbuhos ng libu-libong mga pasahero sa mga bus terminal bukas, araw ng Miyerkules, dahil sa uuwi nating mga kababayan sa iba’t ibang probinsya.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Winston Ginez na asahan na rin ang 10-12,000 mga pasahero kada araw lalo’t sinabayan ng semestral break ang pagdiriwang ng Undas.
Ayon kay Ginez, tiyak ding sisikip ang daloy ng trapiko mula Huwebes hanggang Biyernes.
Sinabi pa ng LTFRB Chief na nakapagbigay na ito ng special permits sa 500 bus units kahapon at posible itong pumalo hanggang 700 units sa mga susunod na araw.
“Mas marami pong mga unibersidad ang nasa bakasyon na din po ngayon kaya pauwi na rin po ang mga kababayan natin kaya ipinapaalala natin na ang student discount ay kailangan nilang ibigay sa mga uuwi nating estudyante.” Ani Ginez.
Paalala sa mga bus operator
Muling pinaalalahanan ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board o LTFRB ang mga bus operator na ayusin ang kanilang mga pasilidad sa mga terminal para sa kapakanan ng mga mananakay.
Sa panayam ng DWIZ, binigyang diin ni LTFRB Chairman Atty. Winston Ginez na mahalagang matiyak na hindi malalantad ang mga pasahero sa matinding init o masamang panahon lalo na ngayong mag-Uundas.
Inatasan din ni Ginez ang mga bus company sa Pasay City at gayundin sa iba pang mga lugar na dapat naka-install na sa Huwebes ang mga industrial fan sa kani-kanilang mga terminal.
“Minanduhan na po natin na pansamantala industrial fans ang kanilang ilagay kasi di naaabot ng kanilang air con facilities, para wala naman po silang pakialam sa kapakanan at comfort ng ating mamamayan.” Pahayag ni Ginez.
By Jelbert Perdez | Ratsada Balita